Miyerkules, Marso 17, 2010

Walang iwanan... sus

Hindi ako nagbubuhat ng sariling bangko, alam ng lahat ng mga kaibigan ko na hindi ako nang iiwan. Alam ko na kasi yung pakiramdam nang laging naiiwan. Alam ko na yung pakiramdam nang laging naghahabol. Alam ko na yung pakiramdam nang laging nalilimutan sa uwian.

Kahit ano handa kitang tulongan kahit saan handa kitang samahan at kahit sino handa kong pakisamahan. Ganun ka sa akin. Mahalaga ka eh, kasi nga kaibigan kita. Kasi nga ayaw kong mangyari sayo yung nangyari sa akin nun.

Pero pucha naman isa lang naman hinihingi ko. Samahan mo rin ako. Hindi ko kayang sumabay sayo kung ikaw mismo ayaw sumabay sa akin. Marahil akala mo'y okay lang sa akin yung kinakalimutan ako kasi nga nakikita mo kong masaya't pawis na pawis habang pilit humahabol sa inyo. Marahil akala mo'y hindi ako nasasaktan habang nakangiti't napapansing lumalaki na ang distansya nating dalawa. Marahil, pero hindi. Hindi ako okay, ang sakit sakit kasi nakikita kong isa lang pala akong asong naghahabol sa taong ayaw magpahabol.

Wala daw iwanan... sus...